30 ANYOS NA LALAKI, ARESTADO SA BUY-BUST OPERATION SA DAGUPAN CITY

‎‎Arestado ang isang 30 anyos na lalaki na kabilang sa street-level individuals sa isinagawang anti-illegal drug buy-bust operation sa Dagupan City noong September 4, 2026.

‎Ayon sa Dagupan City Police Office o DCPO, isinagawa ang operasyon dakong alas-11:58 ng gabi ng pinagsanib na pwersa ng City Police Drug Enforcement Unit, City Intelligence Unit, Police Station 3 at PNP-DEG SOU1, sa koordinasyon ng PDEA-RO1.

‎Nasamsam mula sa suspek ang dalawang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman umano ng hinihinalang shabu na may tinatayang bigat na 5.5 gramo at standard drug price na 37,400 piso.

‎Nakuha rin sa operasyon ang iba pang ebidensya.

‎Isinagawa naman on-site ang inventory at pagmamarka sa mga nakumpiskang ebidensya sa presensya ng suspek at mga kinakailangang saksi, alinsunod sa mga itinakdang pamamaraan sa ilalim ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

‎Matapos ang operasyon, dinala ang suspek sa Region-1 Medical Center sa Bonuan Binloc, Dagupan City para sa medical evaluation bago inilipat sa DCPO headquarters.

‎Kasalukuyang nakapiit ang suspek sa DCPO Custodial Facility habang inihahanda ang mga kasong paglabag sa RA 9165 para sa inquest proceedings sa korte. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments