Umaabot na sa 30-M mga Filipino ang nabigyan na ng bakuna kontra COVID-19.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, isang milestone muli ang nakamit ng Pilipinas dahil parami na nang parami ang mga nababakunahan at nabibigyan ng proteksyon mula sa virus.
Nasa 17,258,675 ang nabigyan na ng 1st dose habang sumampa na sa 13,130,485 ang mga fully vaccinated mula sa kabuuang 30,389,160 mga bakunang na administer sa buong bansa.
Sinabi pa ng kalihim na noong unang araw ng Marso, nagsimula ang vaccination rollout sa bansa pero walang makuhanang bakuna noon dahil ang mga mayayamang bansa ay nabili na ang lahat ng mga bakuna.
Nagsimula aniya tayo sa isang milyong bakuna na donasyon pa ng China pero ngayong araw, naabot na natin ang 30 million na mga nababakunahan.
Aniya, hindi pa sapat ang 30-M mga nabakunahan sapagkat mayroon pang 70 milyong mga Filipino ang nangangailangan pang mabigyan ng bakuna.
Kasunod nito, tiniyak ng Palasyo na patuloy pa ring bibili ng mga bakuna ang pamahalaan upang makamit ang herd immunity sa bansa.