300 Katutubo sa Cagayan, Nabenepisyuhan sa Service Caravan ng Task Force ELCAC

Cauayan City, Isabela- Umabot sa 300 indibidwal ang nabenepisyuhan sa isinagawang service caravan ng iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan sa bayan ng Gattaran, Cagayan.

Iprinesinta ng Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict (RTF-ELCAC) ang kanilang iba’t-ibang programa at proyekto na maaaring mapakinabangan ng mga katutubo.

Ayon kay Regional Director Dennis Godfrey Gammad ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) region 2, ang nasabing aktibidad na pinagtulungan ng iba’t-ibang ahensya ay dinala sa komunidad ng mga Indigenous People (IP) upang mabigyan ang mga ito ng kamalayan sa mga taktika ng mga rebeldeng grupo tulad ng kanilang isinasagawang panlilinlang at recruitment lalo na sa mga katutubong Agta na nakatira sa mga kanayunan.


Kaugnay nito, hinihikayat ng Technical Education and Skills and Development Authority (TESDA) ang mga IPs na kumuha rin ng kanilang vocational courses at skills training.

Maging ang DILG ay ipinabatid din sa mga katutubo ang mga benepisyong maaaring makuha at matanggap ng mga rebeldeng magbabalik-loob sa pamahalaan habang ang Provincial Social Welfare and Development Office ay tinalakay ang mga programang maaaring mapakinabangan ng mga IPs.

Tumanggap naman ang bawat partisipante ng food pack, tsinelas at hygiene kit mula sa DSWD, PNP, AFP, Provl Govt ng Cagayan, PIA at DOH habang tumanggap naman ang ilan sa mga ito na may taniman ng mais ng corn seeds mula naman sa Kagawaran ng Agrikultura.

Pinatitiyak naman ni Col. Reynate Salvador, Deputy Commander ng 501st Infantry Brigade at Col. Renell Sabaldica, Provincial Director ng Cagayan Police Provincial Office maging ang pamahalaang panlalawigan ang kanilang suporta sa mga katutubo at hinikayat din ang mga ito na makipagtulungan sa kasundaluhan at kapulisan sa pagmimintina sa kaayusan at kapayapaan sa probinsya.

Hinimok naman ni Ginoong Rico Andres, Agta leader ang kanyang mga kasamahan na magtiwala sa mga hakbang at programa ng pamahalaan at huwag sumapi sa anumang organisasyon na maaaring magdulot ng problema o hidwaan sa kanilang komunidad.

Facebook Comments