Hindi lamang bagong tahanan kundi panibagong pagkakataon sa buhay ang natagpuan ng 31 pusa at aso sa isinagawang pet adoption event sa SM Urdaneta Central noong Nobyembre 5.
Sa likod ng bawat munting buntot na kumakawag at pusang naghahanap ng kalinga, naroon ang kuwento ng mga hayop na minsang nangailangan ng proteksiyon, pagmamahal, at isang pamilyang magbibigay sa kanila ng ligtas na tahanan.
Sa pagtutulungan ng Luca’s Sanctuary & Cawa’s Gang at JCI Rosales Padyak, nabigyan ng pagkakataon ang mga alagang hayop na makatagpo ng mga taong handang tumanggap at mag-alaga sa kanila.
Sa kabuuan, 31 hayop ang na-adopt sa aktibidad, kabilang ang 13 kuting, 11 adult cats, at pitong aso.
Bawat isa ay nagkaroon ng bagong fur parents na handang maglaan ng panahon, atensiyon, pagkain, at seguridad upang matiyak ang kanilang maayos na kalagayan.
Napuno naman ng masasayang sandali ang lugar nang tuluyan nang makasama ng mga bagong fur parents ang kanilang napiling alaga.
Higit pa sa pagbibigay ng bagong tahanan sa mga hayop, nagsisilbi ring paalala ang aktibidad na ang pag-aampon ay isang responsibilidad na nangangailangan ng pangmatagalang pagmamahal, pag-unawa, at malasakit.
Dahil ang bawat hayop ay karapat-dapat magkaroon ng pamilyang magmamahal sa kanila—hindi lamang habang sila ay cute at maliliit, kundi sa bawat yugto ng kanilang buhay.
Sapagkat ang tunay na pagmamahal sa mga alagang hayop ay hindi nasusukat sa kagandahan ng kanilang lahi, kundi sa kahandaang bigyan sila ng tahanan at kalingang nararapat sa kanila. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







