Monday, November 9, 2026

PCG, agad na natapos ang paglilinis sa nangyaring oil spill sa Mariveles, Bataan

Naka-monitor na sa ngayon ang Philippine Coast Guard (PCG) matapos ang paglilinis sa oil spill sa baybayin ng Mariveles, Bataan.

Ayon sa PCG, umabot sa 1,660 kilo ng oil-contaminated materials ang nakolekta at inilagay sa 83 sako para sa pansamantalang pag-iimbak.

Dadalhin ang mga nakolektang materyales sa isang accredited waste treatment at disposal facility upang matiyak ang ligtas na pagproseso.

Naunang natuklasan ang oil spill sa Sitio Naswe, Barangay Ipag, na nakaapekto sa humigit-kumulang 500 square meters ng coastal waters.

Nabatid na tinatayang 25 litro ng used oil ang kumalat sa lugar at hindi pa matukoy kung saan ito nagmula.

Sa isinagawang joint inspection ng PCG at Mariveles Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, wala nang nakitang oil sheen o bakas ng langis sa ibabaw ng tubig.

Gayunman, patuloy ang pagbabantay upang matiyak na walang muling pagkalat ng langis at maiwasan ang karagdagang epekto sa kapaligiran.

Facebook Comments