Nahaharap na ngayon sa kasong online libel at kasong paglabag sa Anti-Cybercrime Law ang 32 indibidwal dahil sa pagpapakalat ng fake news patungkol sa COVID-19.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Spokesperson Brigadier General Bernard Banac, mula noong March 9 hanggang April 5, 2020 nahuli ang 32 mga indibidwal na ito sa mga ikinasang operasyon ng PNP Anti-Cybercrime Group.
Ang mga suspek na ito ay mga taga-Quezon City, Eastern Visayas, Central Visayas, CALABARZON, MIMAROPA, Western Visayas, Zamboanga Peninsula at CARAGA Region.
Isa naman sa suspek na taga-Zamboanga Peninsula ay patuloy pa rin hinahanap ng mga pulis.
Muling panawagan pa rin ni Brigadier General Banac sa publiko, makipagtulungan sa PNP para mahuli ang mga taong responsable sa pagpapakalat ng mga maling impormasyon patungkol sa COVID-19 na nagdudulot ng panic.