Cauayan City, Isabela- Inaasahan na tatanggap ng ayuda sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) ang nasa 33,875 waitlisted families sa buong Lambak ng Cagayan sa pamamagitan ng ‘digital payout’ o pagkuha sa remittance center.
Ayon kay Regional Information Officer Jeanet Lozano ng Pantawid Pamilya Program, nagsimula ng tumanggap ang mga benepisyaryo mula sa Probinsya ng Cagayan at Quirino habang nagkaroon ng kaunting pagkaantala ang pagtanggap naman ng ayuda ng mga benepisyaryo sa ibang mga bayan ng Isabela.
Aniya, ilan kasi sa mga unang naisumiteng datos ng mga LGUs sa DSWD ay may kakulangan kung kaya’t hindi pa ito naipoproseso.
Kinabibilangan ito ng mga bayan ng Angadanan, Aurora, Benito Soliven, Cabagan, Cabatuan, Cauayan City, Santiago City, Cordon, Delfin Albano, Gamu, City of Ilagan, Mallig, Ramon, Roxas, San Guillermo, San Mariano, at Tumauini.
Nagpaalala naman ito sa mga benepisyaryo na sakaling matanggap ang ayuda sa ilalim ng ‘digital payout’ at kukunin sa mag remittance center ay P50 lang ang magiging charge nito.