35, patay matapos mamaril ang isang suspendidong pulis sa isang nursery sa Thailand; suspek, nagpakamatay matapos pagpapatayin ang sariling pamilya

173

Patay ang 35 indibidwal matapos mamaril at manaksak ang isang dating police officer sa isang nursery sa Thailand kahapon.

Kinilala ang suspek na si Panya Khamrab na pumunta sa kaniyang bahay matapos salakayin ang naturang children day-care at saka pinatay ang kaniyang asawa at anak bago magpakamatay.

Ayon kay Police Colonel Jakkapat Vijitraithaya, sa naitalang 35 nasawi sa insidente, 23 dito ay pawang mga bata na may edad 2-3 years old habang 12 naman ang sugatan.


Idinetalye naman ng acting chief ng nursery na si Nanthicha Punchum ang insidente kung saan ipinarada ng suspek ang kaniyang kotse sa labas ng paaralan at saka pinagbabaril ang apat na staff na kumakain.

Pagkatapos nito ay sinira niya ang pinto papasok ng nursery at saka pinagsasaksak ang mga bata gamit ang kutsilyo.

Labis namang nagluluksa ang magulang ng mga nasawing bata sa sinapit ng kanilang mga anak.



Lumalabas sa imbestigasyon na ang 34-taong gulang na suspek ay isang dating police sergeant na sinuspinde noong Enero at sinibak sa pwesto nitong Hunyo dahil sa paggamit ng iligal na droga.

Kinondena naman ni Thailand Prime Minister Prayut Chan-O-Cha ang pamamaril at inatasan ang gobyerno na magbigay ng tulong sa mga naulilang pamilya.

Facebook Comments