Kinapos ang tangka ng Pilipinas na masungkit ang Guinness World Record sa pinakamaraming bilang ng nagdi-dribble ng bola nang sama-sama.
Tinatayang 3,800 katao ang nagtungo sa Mall of Asia Concert Grounds sa Pasay para lumahok sa tangkang world record na inorganisa ng Go For Gold, nitong Linggo, Hulyo 21.
Kalahati lamang ito ng kasalukuyang record na 7,556 na naitala ng United Nations Relief and Works Agency sa Gaza Strip, Palestine noong Hulyo 22, 2010.
Gayunpaman, tagumpay pa ring maituturing para kay GFGP godfather Jeremy Randell Go ang event na dinaluhan ng mahigit 200 national athlete, mga professional basketball player at ilang artista.
“Na-achieve pa rin natin ang goal natin,” ani Go patungkol sa pag-unlad ng larong basketball sa maraming komunidad.
“‘Yung 3,800 na tao na yan, makakauwi ng bola sa mga bahay at barangay nila, at alam mo naman na ang isang tao, hindi lang isang tao ang makikinabang n’yan. Sana after this, maraming mag-pick up o maglaro ng basketball,” dagdag niya.
Sigurado rin aniya na masusundan pa ito ng panibagong pagtatangkang makamit ang world record.
“Hindi tayo hihinto hanggang makuha natin ito,” ani Go.