Nagsimula na sa kanilang imbestigasyon ang binuong panel of investigators para silipin ang umano’y pagbebenta ng National Food Authority (NFA) ng libong toneladang NFA rice sa isang negosyante na sobrang baba ng presyo at lugi ang gobyerno.
Nauna rito, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na mga opisyal ng NFA ang nagbigay permiso sa bentahan ng milled rice na nakaimbak sa NFA warehouse sa halagang ₱25 kada kilo nang walang bidding at makaraang mabili ang palay sa halagang ₱23 per kilo.
Sa isang ambush interview ng media, sinabi ni Department of Agriculture (DA) Spokesperson Arnel de Mesa na may mga natanong o na-interview na katao na ang panel at may mga nakalap na ng kaukulang dokumento.
Bagama’t hindi nagbigay ng timeline, pinamamadali ng kalihim ang paglalabas ng team ng kanilang review and analysis.
Sa sandaling mapatunayang may anomalya at matukoy ang mga sangkot, magsasampa ng kaukulang kaso ang DA.
Ani ni De Mesa, nagsimula ang isyu sa mga alegasyon at turuan sa loob mismo ng NFA.
Aniya, tiniyak ni Secretary Laurel na walang puwang sa ahensya ang katiwalian.
Alinsunod na rin aniya ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na walang sasantuhin sa kampanya ng pamahalaan na linisin ang mga sangay nito sa matiwaling gawain.