Kasado na ngayong araw ang Third Quarter National Simultaneous Earthquake Drill (NSED).
Noong September 9 pa sana ito gagawin pero kinansela dahil sa pananalasa ng mga Bagyong Kiko at Jolina.
Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Spokesperson Mark Timbal, mamayang alas-8:00 ng umaga sisimulan ang seremonya sa pamamagitan ng video conferencing at livestream habang uumpisan ang “Duck, Cover and Hold” eksakto alas-9:00 ng umaga.
Pero dahil sa pandemya, hinikayat ng ahensya ang lahat na makiisa sa earthquake drill habang sumusunod sa minimum public health standards.
Sa ngayon, nakatutok din muna ang drill sa loob ng mga tahanan at opisina.
Bukod sa pagda-duck, cover and hold, kabilang din sa mga paghahandang dapat gawin ng bawat pamilya sa posibleng pagtama ng malakas ng lindl ay ang mga sumusunod:
1. Maghanda ng ‘Go Bag’ na naglalaman ng mga pangunahing pangangailan ng pamilya sa panahon ng sakuna tulad ng mga pagkaing hindi na kailangang lutuin, tubig, flashlight, battery, power bank, radyo, medical kit, gamot, etc.
2. Alamin ang open areas o evacuation sites
3. Magtakda ng meeting place kung saan maaaring magkita-kita ang mga miyembro ng pamilya oras na tumama ang lindol
Samantala, ito na ang ika-limang online earthquake drill na isinagawa ng NDRRMC mula nang pumutok ang COVID-19 pandemic.