Manila, Philippines – Isasailalim sa annual performance audit ng National Telecommunications Commission (NTC) ang bagong telco service provider sa sandaling magsimula na itong magbigay ng pangakong mas maayos na serbisyo.
Ito ang inihayag ni NTC Deputy Commissioner Ed Cabarrios kasunod ng ibinigay na provisional authority sa Mislatel Consortium o Mindanao Islamic Telecom Company.
Ayon kay Cabarrios, bahagi ito ng binuong bagong panuntunan ng Department of Information and Communications Technology (DICT) at NTC bilang safeguard sa pagsusumikap ng Duterte administration na magbigay ng mabilis na internet service sa buong bansa.
Idinagdag ni Cabarrios na may katapat na sampung bilyong pisong cash bond ang pipirmahang 5-year commitment period ng Mislatel.
Ang halagang ito aniya ay agad na babawiin ng NTC bilang inisyal na parusa sa sandaling bagsak ang kanilang performance.
Sinabi pa ni Cabarrios na ang performance audit na ito ay hindi tuwirang maigawad ng NTC sa Smart at Globe telecom kahit palpak na ang kanilang serbisyo dahil bukod sa wala naman silang pinirmahang commitment of service hindi naman dumaan sa proseso ng bidding ang pagpasok nila sa telecom service sa bansa.