4-anyos na lalaki, nakuryente sa poste matapos kunin ang sumabit na saranggola

Nalapnos ang likod, kanang balikat, at braso ng isang apat-taong-gulang na bata sa Catarman, Northern Samar matapos makuryente sa poste nang subukang kunin ang sumabit niyang saranggola.

Nakunan ng netizen na si Margie Salazar ang makatindig-balahibong eksena na naganap pasado alas-3 ng hapon noong Hunyo 25.

Sa video, makikitang nakabiting patiwarik sa halos 40 talampakang poste ng kuryente ang paslit na kinilalang si Julius. Maya-maya pa, ginalaw ng menor de edad ang ulo niya at gumawa ng paraan upang matanggal sa pagkakasabit.


Nagawang alisin ng musmos ang mga paa niya sa kawad ng kuryente. Doon na siya nirespondehan ng residenteng si Eddie Ladisto hanggang sa tuluyang masagip.

(BABALA: SENSITIBONG VIDEO)

Dali-daling sinugod sa pagamutan ang biktima na nagtamo ng second degree burn sa iba’t-ibang parte ng katawan.

Nag-brownout din sa buong bayan bunsod ng insidente.

Kuwento ng amang si Lauro Tan sa programang “KMJS,”  nasa bukid siya noon nang malaman ang sinapit ng anak. Kaagad niyang pinuntahan ang kinaroroonan ng paslit at bumungad sa kaniya ang walang malay na supling na nakasabit pa rin sa poste.

Labis ang pasasalamat niya sa taong nagligtas sa anak, pati sa pangalawang buhay na ipinagkaloob ng Panginoon.

Patuloy naman nagpapagaling sa bahay si Julius. Aniya, hindi na raw muna siya maglalaro ng saranggola at magsisilbing aral sa kaniya ang malagim na pangyayari.

Samantala, muling nagpaalala ang mga kinauukulan sa publiko na iwasan magpalipad ng saranggola malapit sa kawad o poste ng kuryente. Bukod sa puwedeng makuryente ay posible rin itong magdulot ng sunog o power interruption.

Facebook Comments