4 Health Workers ng CVMC, Kabilang sa 7 na Tinamaan ng COVID-19 sa Cagayan

Cauayan City, Isabela- Nagpositibo rin sa COVID-19 ang apat (4) na health workers ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa Tuguegarao City, Cagayan.

Sa ibinahaging impormasyon ng Provincial Epidemiology and Surveillance Unit (PESU), kabilang ang apat na frontliners sa pitong (7) kinapitan ng virus na naitala kahapon, Nobyembre 29, 2020.

Ang unang positibo ay si CV 3640, isang tagabantay ng pasyente sa emergency room ng CVMC, siya ay residente ng Zone 2 Ali Street, Linao West, Tuguegarao City. Wala siyang sintomas ng sakit at hindi pa mabatid kung saan niya nakuha ang virus.


Bilang medical technologist sa laboratory ng CVMC si CV 3642 na nakatira sa Apple Street, Pengue Ruyu, Tuguegarao City ay nagpositibo rin sa virus. Siya ay Asymptomatic at kasalukuyang naka-home quarantine.

Muling nagpositibo si CV 2720 na isang special operation officer ng BSP sa Tuguegarao Branch. Walang travel of history at exposure ang lalaki at asymptomatic sa COVID-19.

Kabilang din sa mga nagpositibo ang drayber ng CVMC na si CV 3646 na taga Lagum, Manga, Peñablanca. Siya ay dumating sa Cagayan noong November 26 galing sa San Juan, Manila at siya ay nasa quarantine facility na ng CVMC.

Positibo rin sa COVID-19 ang asymptomatic na doktor ng CVMC na nakatalaga sa Covid ward ng ospital na si CV 3648. Siya ay naka-home quarantine sa kanilang lugar sa Carig Norte, Tuguegarao City.

Si CV 3663 na isang nurse sa CVMC partikular sa out patient department ng ospital ay nagpositibo rin sa viirus ngunit siya ay asymptomatic. Siya ay taga- Mallillin Street, Malabbac, Iguig ngunit naka-quarantine na sa isolation ward ng CVMC.

Mayroong co-morbidity na hypertension kasabay ng COVID-19 virus si CV 3667 na nakatira sa Luna Street, Ugac Norte, Tuguegarao City. Nagkaroon siya ng ubo simula November 26 at naka-confine na ito sa CVMC kahapon, November 28, 2020.

Dahil sa mga bagong bilang ng positibong kaso ay bahagyang tumaas ang bilang ng positive cases sa Lungsod ng Tuguegarao na aabot sa 44 mula sa 74 active cases ng buong Cagayan.

Ang ibang bilang ay mula sa Solana (13), Baggao (10), Peñablanca (3) at tig-isang (1) positibo sa Iguig, Piat, Rizal at Tuao.

Facebook Comments