Cauayan City, Isabela- Inatasan ni Mayor Jaime Atayde ng Luna, Isabela ang lahat ng kapitan ng barangay para sa ipatutupad na 2nd level contact tracing kung saan kinakailangang gawin ang istriktong home quarantine habang hinihintay ang resulta ng mga 1st contact tracing.
Sa panayam ng iFM Cauayan kay Mayor Atayde, ngayong linggo ipatutupad ang ikalawang bugso ng contact tracing.
Aniya, may apat (4) na kaso ng COVID-19 sa bayan na dalawang beses ng tinamaan ng virus.
Sinabi naman ng opisyal na may kabagalan ang paglabas ng resulta ng swab test dahil sa dami na rin ng nagpapasailalim sa naturang pagsusuri kontra COVID-19.
Bilang remedyo, istriktong babantayan ng lokal na pamahalaan ang lahat ng kabahayan sa bawat barangay para sa gagawing second level contact tracing at masigurong mapapabilis ang pagtukoy ng posibleng positibo sa virus.
Kaugnay nito, inihalimbawa ng alkalde ang isang bahay kung saan lahat ng miyembro ay hindi maaaring lumabas kung ang isa sa mga ito ay second level sa contact tracing.
Samantala, posibleng tuluyan ng mawala ng COVID-19 sa pagsapit ng taong 2024 o 2025, ayon kay Mayor Atayde.
Muling paalala nito sa publiko na ugaliin ang pagsunod sa health protocol.