WELLINGTON, New Zealand — Nakaligtas ang apat katao sa halos isang buwang pagpapalutang-lutang sa Pasipiko na trahedyang kumitil sa buhay ng walo nilang kasamahan, kabilang ang isang sanggol.
Nabuhay sa pagkain ng niyog at pag-inom ng tubig-ulan ang grupo mula Papua New Guinea na pinaniniwalaang naglagi nang 32 araw sa karagatan, ayon sa ulat.
Batay sa Solomon Star News, mula Bougainville ay tutungo sana ang grupo sa Carteret Islands, na 100 kilometro ang layo, noong Disyembre 22 upang magdiwang ng Pasko.
Sinabi ng nakaligtas na si Dominic Stally na tumaob ang maliit na bangkang sinasakyan nila, sanhi ng pagkalunod ng ilan nilang kasamahan.
Nagawa umano ng iba na maiayos ang sasakyan, ngunit habang nakikipagsapalaran sila sa malayong ibayo ng dagat ay nadagdagan pa ang mga nasawi, kabilang ang naiwang sanggol.
“A couple has died and left behind their baby and I am the one who held onto the baby and later the baby died as well,” ani Stally.
Ilang mangingisda na raw ang napadaan nang hindi sila napapansin, hanggang nitong Enero 23 nang mapadpad sila sa New Caledonia matapos ang 2,000 kilometro pang pagpapatangay sa agos.
Inihatid nitong Sabado ang dalawang lalaki, isang babae, at isang 12-anyos dalagita sa Honiara, Solomon Islands at pinauwi rin matapos bigyang lunas.