Cauayan City, Isabela- Pinakasuhan ng Lokal na Pamahalaan ng Cauayan ang apat (4) na katao kabilang ang isa na itinago ang kanyang totoong kalagayan ng kalusugan matapos mabatid na nagpositibo ito sa coronavirus ngunit umuwi pa rin ng probinsya.
Ayon kay City Mayor Bernard Dy, nagnegatibo sa rapid test ang nasabing indibidwal subalit may nauna pala itong pagsusuri ng RT-PCR test sa Maynila na positibo ito sa virus subalit minabuti nito na umuwi sa probinsya para sa pagsasailalim sa quarantine.
Ayon pa kay Dy, ang iba naman ay tumakas mula sa mga pasilidad na inilaan ng LGU habang kasalukuyan ang pagsasailalim sa kanilang kalusugan laban sa banta ng virus.
Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 11332 o “Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act”.
Sa ngayon, sinimulan na ang pagpapatupad sa ‘NO QR CODE, NO ENTRY POLICY’ sa lungsod kasabay ng paghihigpit sa mga checkpoint ng kapulisan sa lahat ng entry point sa lungsod.
Binigyang-diin pa ng opisyal na walang ‘exempted’ sa kautusan maging ang mga itinuturing na APOR o Authorized Persons Outside Residence.
Para naman sa walang smartphone para sa QR CODE ay may inilaang booth sa lahat ng checkpoint na siyang magbibigay ng QR code.
Muli namang iginiit ng opisyal na walang mangyayaring lockdown sa lungsod dahil walang batayan para gawin ito habang itinuturing na center for business district ang lungsod.