Ilagan, Isabela – Walang banta ng tsunami sa mga bayan ng Isabela na nakaharap sa Pasipiko pagkatapos ng nangyaring napakalakas na lindol sa bansang Mexico.
Ang apat na bayan ng Isabela na nasa gilid ng Pasipiko ay ang mga lugar ng Palanan, Maconacon, Divilacan at Dinapigue.
Sa panayam ng RMN News Team kay Isabela Provincial Information Officer Jessie James Geronimo, magmula nang pumutok ang balita tungkol sa lindol ay agad na komonekta ang probinsiya sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (DOST-PHIVOLCS), NDRRMC at RDRRMC para sa anumang pabatid na kailangang ipaabot sa mga mamamayan. Naunang nagpalabas ng paabiso ang PHIVOLCS sa posibleng tsunami na tatama sa mga lalawigang nasa harap ng Pasipiko sa kanilang Tsunami Bulletin Number 1.
Ngunit sa pangalawang bulletin ng PHIVOLCS ay sinabing walang banta ng tsunami sa gawing ito ng Pilipinas. Ang Mehiko ay may layong 12, 000 kilometro at nasa kabilang panig ito ng napakaluwang na karagatang Pasipiko.
Matinding lindol ang nangyari sa bansang Mehiko bago maghating gabi ng Setyembre 7, 2017 sa kanilang lokal na oras na katapat ng 12:49 lampas tanghali ng Setyembre 8, 2017 dito sa Pilipinas. Ang naturang lindol na may magnitude na 8.4 ay sinasabing pinakamalakas na lindol na naranasan ng Mexico magmula noong 1985.