Kinumpirma ng Land Transportation Office (LTO) at pamunuan ng Paranaque Integrated Terminal Exchange o PITX na apat na bus driver ang nagpostibo sa isinagawa nilang random drug at alcohol test.
Ayon kay PITX Spokesman Jason Salvador, agad kinumpiska nito ang lisensya ng apat na bus driver.
Isasailalim naman sa confirmatory test ang resulta.
Paliwanag ni Salvador, hindi nila kukunsintihin na may bus driver na gumagamit ng iligal na droga lalo’t kaligtasan ng mga pasahero ang nakasalalay rito.
Kaya naman patuloy aniya ang kanilang koordinasyon ng Land Transportation Office (LTO) para sa random drug at alcohol test.
Bukod sa random drug test, nagsagawa rin ng Road Worthiness Test sa mga bus ang LTO.
Doon din nadiskubre na may mga gumagamit ng hindi otorisadong plaka, depektibong accessories at iba pa.