Camp Marcelo A. Adduru, Tuguegarao City – Matagumpay na nahuli kahapon ng madaling araw, March 1, 2018 ang apat na illegal loggers sa barangay Palacian, Aglipay, Quirino.
Sa impormasyong ibinahagi ni PRO2 Regional Director PCSupt Jose Mario M. Espino, nakilala ang apat na suspek na sina Moreno Baloc, 27 anyos, may asawa, isang magsasaka at residente ng barangay Pinaripad Norte, Aglipay, Quirino; Sheldan Antolin, 23 anyos, walang asawa; Amer Arucan, 23 anyos, may asawa; at Aries Arucan, 31 anyos, may asawa na pawang mga residente ng Pinaripad Sur, Aglipay, Quirino.
Naaresto ang mga illegal loggers dahil sa pinagsanib na pwersa ng Aglipay Police Station at Quirino Provincial Maneuvers Force Company (QPMFC) sa pangunguna ni PCI Ernesto Duque.
Ang matagumpay na pagkakahuli sa mga suspek ay dahil narin sa paunang ulat mula sa operatiba ng QPMFC kung saan nakita ang kahinahinalang isang puting van na bumabagtas sa national highway ng barangay Victoria, Aglipay, Quirino.
Nakuha mula sa apat na loggers na lulan ng puting van ang isang gamit sa pagputol ng kahoy at mga tabla na may kabuuang sukat na 600 board feet at kaagad na dinala sa Aglipay Police Station kung saan haharap sa kasong paglabag sa PD No. 705 o Forest Code of the Philippines.
Samantala iginiit pa ni PCSupt Espino na patuloy ang suporta ng Valley Cops sa implementasyon ng batas na protektahan ang kagubatan para sa mga sususnod na henerasyon at pakikipagtulungan din sa Department of Environment and Natural Resources o DENR.