Isinailalim sa special concern lockdown ang apat na lugar sa Quezon City dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19 pagkatapos ng holiday season.
Kabilang sa mga lugar na ito ang No. 62 Agno Extension sa Barangay Tatalon; No. 1 Salary Street sa Barangay Sangandaan; No. 54 Interior, Magsalin Street sa Barangay Apolonio Samson; at 9C, 9D, 97 La Felonila Street sa Barangay Damayang Lagi.
Nasa anim na ang lockdown areas sa lungsod, unang isinailalim noong January 7 at 14 ang bahagi ng Pingkian 1 at Central B sa Barangay Pasong Tamo.
Ayon kay City Epidemiology and Disease Surveillance Unit (CEDSU) Head Dr.Rolly Cruz, lahat ng pamilya sa apektadong lugar ay isinailalim na sa swab testing.
Kahit nagnegatibo ang mga ito sa test ay kailangan pa rin nilang tapusin ang 14-day mandatory quarantine period.