Asahan na ang patuloy na pagdating ng bulto ng mga bakuna sa bansa.
Sa presscon sa Malakanyang, sinabi ni World Health Organization (WHO) Dr. Rabindra Abeyasinghe na 2M doses ng Pfizer na mula sa COVAX Facility ang darating sa Pilipinas bago matapos ang Hunyo.
Hindi nga lamang masabi sa ngayon ni Dr. Abeyasinghe kung isang bultuhan ang dating ng 2M doses ng bakuna mula sa Pfizer o dalawang batch ang pagdating nito sa bansa.
Samantala, sa Hunyo rin dadating ang 2M doses ng AstraZeneca vaccines na mula rin sa COVAX Facility.
Kasunod nito, ipinaalala ni Dr. Abeyasinghe sa national government, maging sa Local Government Units (LGUs) na ibigay ang mga bakuna na mula sa COVAX Facility sa medical health workers, senior citizens, at mga mahihirap.
Ang mga nabanggit na sektor kasi ang target ng COVAX na mabigyan ng prioritization base na rin sa commitment nito na magkakaloob ng libreng mga bakuna ang mga low, middle income countries kasama na ang Pilipinas.