4 na Naaresto sa Pag-iingat ng Illegal na Droga, Nasampahan na ng Kaso

Cauayan City, Isabela- Nasampahan na ngayong araw ang apat na nahuli sa pag-iingat ng droga sa brgy Tallungan sa bayan ng Reina Mercedes, Isabela.

Kinasuhan ng PNP Reina Mercedes ng paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act sa pamamagitan ng inqueest proceedings ang apat na suspek na kinilalang sina Ricardo Cariaga Sr., isang drayber, residente ng Brgy Apanay, Alicia, Isabela at live-in partner na si Rency Sudio, na taga Talavera, Nueva Ecija.

Kabilang rin sa nakasuhan ang lalaking anak ni Cariaga na itinuturong kasosyo nito sa iligal na gawain at isang Xerxes Inere na isa rin drayber.


Magugunitang naaresto ang apat na mga suspek nang maghain ng warrant of arrest ang mga elemento ng pulisya kay Xerxes Inere na wanted sa kasong Qualified Theft kung saan habang nasa lugar ang mga pulis ay nakita sa isang nakabukas na kwarto ang mga sachet ng shabu na nakalapag sa ibabaw ng lamesa kasama ang pera na Php16,850.00 na napagbentahan ng mag live-in partner.

Nasa pangangalaga pa rin ng pulisya ang mga nahuling suspek.

Facebook Comments