Cauayan City, Isabela- Muling nakapagtala ng apat (4) na panibagong positibong kaso ng COVID-19 ang Lungsod ng Cauayan.
Batay sa inilabas na datos ng DOH-RESU, ang mga nagpositibo ay si CV1156, babae, 21 taong gulang, residente ng Barangay Gappal, at si CV1157, babae, 25 taong gulang, residente ng Barangay Carabatan Bacareño na parehong nakasalamuha ni CV969.
Bago pa sila makumpirmang positibo sa Covid-19 ay sumailalim na sila sa strict home quarantine kasama ang kanilang mga pamilya.
Pareho din silang asymptomatic o hindi nagpakita ng anumang sintomas ng Covid-19.
Ang dalawa naman ay ang mag-asawa na sina CV1160, lalaki, 66 taong gulang at si CV1161, babae, 58 taong gulang at residente ng Barangay Minante Uno.
Sila ay may history of travel sa Manila at umuwi sa Isabela noong September 9, 2020.
Asymptomatic o hindi nagpakita ng sintomas ng Covid-19 ang mag-asawa at sila ay dumeretso sa kanilang bahay para sumailalim sa strict home quarantine.
Kaugnay nito, ang mga unang positibong pasyente ay hindi na nagpapakita ng sintomas subalit kinakailangan muna nilang tapusin ang kanilang 14-day quarantine bago ideklarang fully recovered.
Pinapaalalahanan naman ang lahat na mag-ingat at huwag nang lumabas ng bahay kung hindi kinakailangan.