4 Rebelde, Sumuko sa San Mariano, Isabela

Cauayan City, Isabela- Dalawang regular na miyembro ng Communist-NPA-Terrorist (CNT) at dalawang miyembro ng Milisyang Bayan (MB) na kabilang sa mga nalalabing kasapi ng Central Front Committee (CFC), Kilusang Rehiyon-Cagayan Valley (KR-CV) sa San Mariano, Isabela ang kusang nagbalik loob sa gobyerno nitong ika-17 ng Hulyo 2020.

Bunsod pa rin ito ng patuloy na pagpapa-igting ng mga kasundaluhan at kapulisan kasama ang lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng EO-70 o Task Force to End Local Communist Armed Conflict (ELCAC).

Sa pinagsanib na pwersa ng 95th Infantry (Salaknib) Battallion sa ilalim ng 502nd Infantry (Liberator) Brigade, 5ID, PA kasama ang kapulisan ng San Mariano, Isabela ay kanilang natulungan na makapagbalik-loob sina alyas “Romeo” at alyas “Felix” mga NPA, kasama sina alyas “Hector” at alyas “Stihl” na miyembro naman ng People’s Militia ng Bayan kung saan ay magkakasabay silang nalinlang ng kinikilalang si “Ka Eloy” noong taong 2015.


Ipinabatid naman ni BGen Laurence E Mina PA, Acting Commander ng 5th Infantry (Star) Division ang kanyang pagbati sa mga nagsipagbalik-loob sa kanilang naging tamang desisyon na yakapin ang tunay na kapayapaan.

Ipinaabot din ni BGen Mina ang mga benepisyo mula sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program o E-CLIP na programa ng pamahalaan para sa bawat rebeldeng magsisipagbalik-loob ay agad na ipoproseso upang magsilbing paunang tulong umano sa mga naging biktima ng panlilinlang at bilang panimula ng panibagong buhay kasama ang kanilang mga pamilya.

Matatandaan na noong ika-9 ng Hulyo ay iginawad ang halagang Php935,000.00 mula sa naturang programa para sa mga dating rebelde na piniling bumalik para mamuhay ng payapa at normal.

Facebook Comments