47 million Japanese Yen, nasabat ng Bureau of Customs sa NAIA

Nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) ang tinatayang 47 million Japanese Yen o katumbas ng ₱17.2 million at sinasabing undeclared sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Nadiskubre ang naturang halaga sa x-ray inspection na isinagawa sa check-in baggage ng isang Koreano sa NAIA Terminal 3 nitong June 27.

Kinumpirma naman ni Customs Commissioner Bienvenido Rubio na hindi idineklara ng pasahero ang nasabing pera at sinasabing labag sa mga regulasyon ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).


Kukumpiskahin rin ang nasabing salapi alinsunod sa National Anti-Money Laundering and Counterterrorism Proliferation Financing Strategy.

Samantala, ang naturang Koreano ay isasailalim sa inquest proceedings sa Pasay City Prosecutor’s Office.

Facebook Comments