4Ps Beneficiaries na Sangkot sa Iligal na Aktibidad sa Region 2, Mas mababa sa 1%

Cauayan City, Isabela- Umabot sa kabuuang 105,000 ang mga benepisyaryo ngayon ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa buong Cagayan Valley region.

Ayon kay Information Officer Jeanet Lozano ng Pantawid Pamilya Program, may kabuuang 102,911 ang kasalukuyang nakakatanggap ng ayuda sa ilalim ng programa habang ang natitirang bilang na 2,089 ay kinakailangang mapunan na siyang kukunin mula sa mga listahan ng National Household Targeting System for Poverty Reduction (NHTS-PR) ng ahensya.

Nagpaalala naman si Lozano sa mga benepisyaryo ng programa na gamitin ang pera na kanilang matatanggap sa maayos na paraan upang hindi matulad sa mga naunang kasong naitatala ng ahensya gaya ng paglalasing, pagsusugal maging ang pagsasanla ng mga cash card kung saan naidedeposito ang mga pera sa kanila.


Kung sakaling may paglabag, mapapatawan ng parusa gaya ng sa unang opensa na pagsasailalim sa case management; case management at suspension ng ayuda sa loob ng 2 buwan at sa huli ang maireport sa central office para sa posibleng pagtanggal sa pagiging benepisyaryo nito.

Sa inisyal na datos ng DSWD region 2, mas mababa sa 1% ang mga naitatalang uri ng mga kaso laban sa 4Ps beneficiaries.

Nagpaalala naman si Lozano na ugaliin pa ring sundin ang ilang panuntunan ng ahensya sa kabila ng patuloy na pagbibigay tulong sa mga household beneficiaries ng programa.

Facebook Comments