5 Kaso ng Panggagahasa, Naitala sa Lungsod ng Cauayan Habang Naka-Community Quarantine

Cauayan City, Isabela- Nakapagtala ng limang (5) kaso ng panggagahasa ang Cauayan City Police Station sa loob lamang ng dalawang buwan habang umiiral ang Community Quarantine sa Lungsod.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PLT Scarlette Topinio, Information Officer ng Cauayan City Police Station, kanyang sinabi na mula nang siya ay italaga bilang bagong tagapagsalita ng PNP Cauayan noong buwan ng Agosto hanggang ngayong buwan ng Setyembre ay limang (5) kaso na ng rape ang naitala ng WCPD section kung saan ilan sa mga ito ay kinabibilangan ng mga menor de edad at mismong sariling ama ang gumahasa sa kanila.

Dahil dito, seryoso ang kanilang ginagawang pagpapaalala sa mga magulang na dapat ay nababantayan at iniingatan ang mga anak dahil responsibilidad aniya bilang isang magulang na tignan at matiyak na sila ay ligtas.


Kung maaari aniya ay mabigyan din ng pribadong kwarto ang mga babaeng anak dahil kahit sino ay pwedeng maging biktima ng panggagahasa.

Kaugnay nito, mayroon naman inilunsad na project FIGURINE (Fight Incessantly to Gain Upper hands in Rape Incidents that it must now End” na layong maipabatid ang mga karapatan ng kababaihan at mawakasan ang insidente ng panggagahasa o pang-aabuso sa mga kababaihan.

Bumibisita rin ang mga kawani ng CSWD Cauayan at mga barangay officials sa bahay ng mga naging biktima ng pang-aabuso at panggagahasa upang sila ay makumusta.

Hinihimok rin ni PLT Topino ang mga naging biktima na huwag matakot magsumbong sa mga kinauukulan o sa himpilan ng pulisya upang hindi na muling maulit ang hindi magandang pangyayari.

Bukas din aniya ang hotline number ng WCPD Cauayan na 09658072993 para sa anumang sumbong o sa mga hihingi ng tulong.

Facebook Comments