5% ng GDP ng bansa, ipinalalaan sa military modernization

Inirekomenda ni Senator Raffy Tulfo na ilaan ang 5% ng gross domestic product (GDP) ng bansa sa modernisasyon ng hukbong sandatahan sa gitna na rin ng pinangangambahang paglusob ng China sa Taiwan.

Inihalimbawa ni Tulfo ang Singapore na hindi hamak na mas maliit na bansa kumpara sa atin pero sila ay naglalaan ng 6% ng kanilang GDP para sa military spending.

Tinukoy ni Tulfo na tulad ng sinabi ng Malacañang ay karapatan naman ng Pilipinas na dumipensa sakaling kailanganin at nariyan pa ang posibilidad na mapilitan ang Estados Unidos na panindigan ang Mutual Defense Treaty sa pagitan ng ating bansa sakaling madamay pati tayo sa kaguluhan.


Nanawagan ang senador na kung maaari ay huwag magpadalos-dalos ang China sa nangyayari ngayon sa pagitan nila ng Taiwan at huwag nang idamay ang Pilipinas sa kung ano man ang kanilang pinaplano.

Nakipag-ugnayan naman ang tanggapan ni Tulfo kay Manila Economic and Cultural Office (MECO) Chairperson Cheloy Garafil para tiyakin na nakahanda ang contingency plan ng Pilipinas sa Taiwan.

Tiniyak naman ni Garafil na mayroong 80,000 shelters sa Taiwan na maaaring hingan ng tulong ng mga kababayan at kayang nitong mag-accommodate ng 40 million na katao.

Facebook Comments