
Kinilala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kabayanihan ng mga Pilipinong sundalo, partikular na ang mga nagtanggol sa Bataan noong World War II.
Sa kaniyang mensahe para sa Araw ng Kagitingan, sinabi ng pangulo na ang araw na ito ay hindi lamang sa mga mandirigma ng Bataan kundi pati na rin sa lahat ng Pilipinong nagpakita ng hindi matitinag na tapang at pagmamahal sa bayan sa panahon ng digmaan.
Ang kanilang kwento ay patuloy na nagsisilbing inspirasyon sa mga Pilipino upang ipagpatuloy ang kanilang nasimulang adhikain na pangalagaan at paunlarin ang bansa.
Ayon sa pangulo, ang Pilipinas ay tahanan ng mga tunay na bayani na buong tapang na isinakripisyo ang sarili alang-alang sa kapakanan ng sambayanan.
Pero ang kagitingan aniya ay hindi lamang nasusukat sa lakas at tibay ng loob sa panahon ng pagsubok kundi maging sa mga simpleng gawa ng kabutihan, malasakit, at pagkakawanggawa na nagdudulot ng positibong pagbabago sa lipunan.
Kaya naman hinimok ng pangulo ang lahat na tularan ang halimbawa ng mga bayani sa pamamagitan ng pagtutok sa mga adhikain na nagpapabuti sa buhay ng kapwa.