
Nilinaw ng Armed Forces of the Philippines na wala silang natatanggap na anumang opisyal na impormasyon kaugnay sa napaulat na pagkakaaresto ng tatlong Pilipino sa China dahil sa umano’y pang-eespiya.
Ayon kay AFP Public Affairs Office chief Col. Xerxes Trinidad, wala ring impormasyon ang Sandatahang Lakas tungkol sa sinasabing handler ng isa sa mga naaresto, sa di umano’y konektado sa Intelligence Service ng AFP.
Naunang iniulat ng China na tatlong Pilipino ang nahuli sa pagsasagawa umano ng paniniktik.
Sa panig naman ng National Security Council, sinabi nitong posibleng bahagi ito ng retaliation o ganti ng China, at umano’y tila scripted o planado ang confession ng tatlo.
Patuloy namang pinapayuhan ang publiko na maging mapanuri at maghintay sa mga kumpirmadong impormasyon upang hindi mabiktima ng fake news.