5 PANG BANGKAY NG NPA, NAHUKAY NG MILITAR SA ISABELA

Cauayan City, Isabela- Muling nakahukay ng limang (5) karagdagang bangkay ng kasapi ng New People’s Army (NPA) ang kasundaluhan ng 95th Infantry Battalion sa Barangay Canadam, Maconacon, Isabela.

Sa tulong ng mga dating rebelde na nagbigay impormasyon sa 502nd Infantry Brigade, natagpuan at nahukay ng tropa ng 95IB nitong ika-8 ng Hulyo 2022 ang bangkay at kalansay ng limang rebelde.

Nakilala ang mga narekober na bangkay na sina alyas Rigid/Mawin, Commanding Officer ng Front Operation Command (FOC), alyas Brad/Airus, Vice Commanding Officer ng FOC, alyas Dondon, Vice Squad Leader ng Squad Uno, alyas Monmon, miyembro ng Squad Uno at alyas Bambo, miyembro ng Squad Dos, ng Komite Probinsya Isabela, Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley.

Matatandaan na noong ika-tatlo ng Hulyo taong kasalukuyan, nahukay sa parehong barangay ang mga bangkay nina alyas Eloy, 1st Deputy Secretary, alyas Bryan, at alyas Marco, kapwa mga miyembro ng Squad Dos.

Batay sa naging rebelasyon ng mga Former Rebels, ang kanilang mga dating kasamahan ay namatay dahil sa hidwaan ukol sa pamumuno sa kanilang organisasyon at dahil sa hindi pagkakasundo, nagawang patayin ng mga ito ang isa’t-isa.

Kaugnay nito, ang LGU Maconacon na ang nagbigay ng disenteng libing sa mga natagpuang walong bangkay.

Samantala, inihayag naman ni BGen. Danilo D Benavides, pinuno ng 502nd Brigade na mas paiigtingin pa ng kanilang hanay ang isinasagawang opensiba laban sa mga natitirang miyembro ng teroristang grupo.

Muli namang hinikayat ng Heneral ang mga nalalabi pang NPA na magbalik-loob na sa pamahalaan.

Facebook Comments