Naiulat na nasawi ang lima katao samantalang 14 ang naisugod sa ospital matapos makainom ng isang home-made wine na mayroon umanong ‘industrial alcohol’ sa isang kasalan sa China.
Batay sa inilabas na report ng county government sa southwestern China, isang lalaki mula sa Manpan village ang naghanda ng kaunting salu-salo noong Huwebes at Biyernes nakaraang Linggo, para sa kasal ng anak.
Naghanda rin ng alak ang nasabing tatay na gawa umano ng kanilang kapitbahay na kinilala bilang si Yan.
Nang makainom ang mga bisita ng naturang home-made wine, dito na nagsimulang magsuka at mahilo ang mga dumalo ng handaan.
Namatay ang lima sa kanila at 14 ang naisugod pa sa ospital.
Agad na ininspeksyon ang naturang alak at nakitang mayroon itong ‘methanol content’ na nakalalason at maaaring makasira ng nervous system.
Ayon pa sa imbestigasyon, sinasabing mayroong 95% pure industrial alcohol na ginamit umano para gawin ang alak.
Samantala, inaresto ng pulisya si Yan kabilang na ang 13 katao na kasabwat sa paggagawa, pagbibigay at pagbebenta ng nakalalasong alak.