50 Libong Sabay-Sabay na Kakanta, Ikakasa sa 2018

Cauayan City, Isabela – Tatangkain ng lalawigan ng Isabela na makapagtala ng record sa Guiness Book of World Record.

Ito ay sa pamamagitan ng sabayang pagkanta ng 50, 000 na mga kalahok na nakatakdang gagawin sa 2018.

Ito ang isa sa mga inihayag ni Isabela Governor Faustino “Bojie” Dy III sa kanyang talumpati sa katatapos na 2nd Provincial Youth Summit ng lalawigan ng Isabela.


Sinabi niya na kanilang iimbitahan ang Guiness Book of World Record para madokumento ang pinaplanong aktibidad upang mas lalo umanong makilala ang lalawigan ng Isabela sa buong mundo.

Ang kakantahin ay ang bagong himig na laan para sa lalawigan at sinabing maraming kabataan mula sa ibat ibang bahagi ng probinsiya ang lalahok dito.

Bahagi din ng kanyang talumpati ay ang pasasalamat niya sa kontribusyon ng mga kabataang Isabelino sa kanilang lalawigan.

Kanya pang pinaalala ang pamosong linya ni Rizal na “ang kabataan ay pag-asa ng bayan” na kanya namang binigyan ng bagong sambit na “ang kabataan na ay siyang inaasahan ng bayan”.

Ang 2nd Provincial Youth Summit ay ginanap dito sa lungsod ng Cauayan noong Disyembre 7 at 8, 2017 na nilahukan ng 350 na mga kabataan mula sa ibat ibang bahagi ng Isabela.

Facebook Comments