50 PAMILYA NG 4Ps SA SAN CARLOS CITY, NAKATANGGAP NG WATER FILTRATION UNITS SA GITNA NG EPEKTO NG EL NIÑO

Nabigyan ng water filtration units ang 50 pamilya na benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps sa Barangay Tamayo, San Carlos City, Pangasinan upang matiyak ang kanilang access sa malinis at ligtas na inuming tubig sa gitna ng epekto ng El Niño.

Isinagawa ang pamamahagi sa pamamagitan ng pagtutulungan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office 1 – Ilocos Region, sa ilalim ng 4Ps, at ng pribadong organisasyong Waves For Water Philippines.

Layunin ng inisyatiba na mabigyan ang mga pamilya ng alternatibong mapagkukunan ng ligtas na inuming tubig, gayundin na mabawasan ang kanilang gastusin sa pagbili nito.

Inaasahan ding makatutulong ang mga water filtration units upang mabawasan ang panganib ng pagkakaroon ng mga sakit na dulot ng pag-inom ng kontaminadong tubig.

Ayon sa DSWD, bahagi ito ng patuloy na pagpapalawak ng kanilang mga programa at serbisyo sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga pribadong organisasyon at iba pang sektor, partikular para sa kapakanan ng mga pamilyang benepisyaryo ng 4Ps. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments