MOTORISTA, PATAY SA BANGGAN SA CALASIAO; DALAWA PA, SUGATAN

Nasawi ang isang 54 anyos na motorista habang sugatan naman ang dalawang sakay ng isa pang motorsiklo matapos masangkot sa banggaan sa Provincial Road, Barangay Macabito, Calasiao, Pangasinan, bandang alas-7 ng gabi nitong Nobyembre 14, 2026.

‎
‎Kinilala ang nasawi bilang driver na residente ng Calasiao. Ayon sa paunang imbestigasyon, wala umano itong lisensya sa pagmamaneho.
‎

‎Samantala, sugatan naman ang 32 anyos na driver at angkas nito sa nangyaring banggaan.

‎
‎Batay sa paunang imbestigasyon, magkasalungat ang direksyon ng biyahe ng dalawang motorsiklo.
‎

‎Pagdating sa pinangyarihan ng insidente, umano’y napunta sa kabilang linya ang sinasakyan ng nasawing biktima at nabangga ang kasalubong na motorsiklo.
‎

‎Dahil sa lakas ng impact, tumumba ang dalawang sasakyan kasama ang kanilang mga driver at angkas, na pawang nagtamo ng mga pinsala.
‎

‎Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office o MDRRMO Calasiao at isinugod sa Pangasinan Provincial Hospital sa San Carlos City ang tatlong biktima para sa agarang lunas.

‎
‎Gayunman, idineklarang dead on arrival ang biktima habang nabigyan naman ng kaukulang medikal na atensyon ang driver ng isa pang sangkot na motor pati ang angkas nito.

‎
‎Kaugnay nito, patuloy namang inaalam ng mga awtoridad ang buong detalye ng insidente. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments