500 dating Kagimungan at Anakpawis Members, Nagkaisa sa Pagkondena sa Kalupitan Ng New People’s Army

Cauayan City, Isabela- Kinondena ng 500 dating miyembro at tagasuporta ng Kagimungan at Anakpawis ang mga panlilinlang at kalupitan ng New People’s Army at ng mga front organization nito sa ginanap na Peace Convention sa Cagayan Provincial Capitol kahapon, Pebrero 21,2022.

Kasabay nito, nanumpa ang mga ito ng katapatan sa gobyerno upang mawakasan ang armadong labanan ng komunista at pinagsusunog ang mga bandila ng Anakpawis, Kagimungan, at Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).

Ayon kay Balanni Barangay Captain Mauricio Aguinaldo, SAMBAYANAN-Cagayan Chapter Coordinator at dating rebelde, ang Cagayan Alliance for Peace and Development ang siyang nanguna sa aktibidad para isulong ang kanilang suporta sa kampanya laban sa insurhensiya sa Cagayan.

Nangako naman si alyas “Victor”, dating organizer ng Kagimungan sa Sto. Niño, Cagayan na tutulungan nila ang gobyerno sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon sa maling ginagawa ng mga makakaliwang grupo.

Kwento niya, nalinlang umano ito ng rebeldeng grupo mula noong 2010-2017 kung saan patuloy itong naghirap matapos ang ginagawang pananakot sa kanya tuwing tatanggi itong gawin ang mga ipinag-uutos.

Samantala, nagpasalamat naman si BGen Steve Crespillo, Brigade Commander ng 501st Infantry Brigade, sa lokalidad para sa kanilang pagkakaisang kondenahin ang mga komunistang grupo na makamit ang kapayapaan at progreso sa Cagayan.

Hinimok naman ni MGen. Laurence E Mina, Commander ng 5th Infantry Division, Philippine Army ang natitira pang mga miyembro ng NPA at mga taga-suporta nito na magbalik-loob na sa pamahalaan upang matamasa ang mga benepisyo sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP).

Ang mga lumahok sa naturang aktibidad ay mula sa mga bayan ng Sto. Niño, Rizal, Aparri, Baggao, Sta. Ana, Tuao, Sta. Teresita, Gonzaga, Abulug, Amulung, Lal-lo, Allacapan, Alcala, Buguey, Piat, at Pamplona.

Nakakuha naman ang mga ito ng tulong mula sa Provincial Government ng Cagayan.

Facebook Comments