Cauayan City, Isabela- Nagpaabot ng sako-sakong bigas ang National Food Authority (NFA) region 2 bilang tugon sa mga nasalanta ng malawakang pagbaha sa lalawigan ng Isabela at Cagayan.
Ayon kay Elimar Regindin, Acting Assistant Regional Director ng NFA region 2, nagbigay sila ng 500 sako ng bigas bawat bayan at lungsod bilang ayuda sa mga pamilyang apektado ng pagbaha.
Sa ngayon ay kasalukuyan ng nakuha ng halos lahat ng LGU sa Isabela ang tulong na bigas para sa mga ito na nakatakdang ipamahagi sa mga pamilya.
Giit pa ni Regindin, bibigyan ang lahat ng 37 bayan at lungsod sa Isabela habang 29 na bayan at lunsod sa Cagayan.
Aniya, pinakamagandang klase ng bigas ang ipinamahagi sa mga LGUs para sa tulong sa mga residente.
Nagsimula na silang mamahagi sa bayan ng Echague, Angadanan, Ramon,Santiago City, San Mateo, Cordon, Jones, Gamu, Tumauini, Sto. Tomas, San Agustin, Naguilian, Benito Soliven at San Mariano.
Samantala, patuloy pa rin na tumatanggap ang NFA ng mga palay mula sa mga ibebenta ng magsasaka.
Dahil sa nangyaring kalamidad, posibleng bumaba ang kalidad ng mga palay kung kaya’t bumibili lamang sila ng magandang klase ng palay para maimbak ito ng matagal sa mga warehouse at magiling kung kinakailangan na.