50,000 retiradong pulis “unaccounted for”, ayon sa PNP

951

Hindi mahanap ng Philippine National Police (PNP) ang 50,000 na mga retiradong pulis.

Batay sa rekord ng PNP Retirement and Benefit Service o PRBS mas marami ang ‘unaccounted for’ kumpara sa ‘accounted’ na mga retiradong pulis.


Ayon kay Police Lieutenant Colonel Grace De Castro, Chief ng Pension and Gratuity Division ng PRBS, may mahigit na 92, 000 na retiradong pulis.

Pero nitong 2019 ay mahigit na 42, 000 lamang ang ‘accounted for’ nila.

May mahigit na 50, 000 retirees ang ‘unaccounted for’ ng PNP.

Kalimitan umanong idinadahilan ng mga miyembro ng pamilya ay hindi na makalakad ang mga ito kaya hindi na sila nakapupunta sa opisina ng PNP Retirement and Benefit Unit (PRBU) sa mga Police Regional Offices.

Ang accounting ng mga retirees ay ipinag-utos ni PNP Chief Police General Archie Gamboa sa kaniyang pag-upo sa puwesto.

Nagpalabas ito ng bagong standard operating procedure para sa mga retirees kaya simula sa February 26 hanggang March 17 ay isasagawa nila ang sabayang accounting ng mga retirees sa PRBS at sa mga PRBU sa region.

Gagawin ito 8 pm – 6 pm ng Lunes hanggang araw ng Sabado upang ma-accommodate ang mga may trabaho.

Habang simula sa July, 2020 ang accounting ay gagawing sa mga Municipal Police Station o sa pinakamalapit na police station para magpa-account ang mga retirees at hindi na kailangang pumunta pa sa Camp Crame o sa mga Police Regional Offices.

Facebook Comments