55-ANYOS NA CONSTRUCTION WORKER, DEAD ON ARRIVAL MATAPOS MAWALAN UMANO NG KONTROL SA MOTORSIKLO

Nasawi ang isang 55-anyos na construction worker matapos mawalan umano ng control sa minamanehong motorsiklo at bumangga sa konkretong poste sa national Road sa barangay Tebag east, Sta. Barbara, pangasinan, nitong Biyernes ng Umaga, Oktubre 2, 2026.

Ayon sa panayam ng IFM Dagupan kay PLTCOL Michael S. Datuin, Chief of Police ng Sta. Barbara Police Station, naganap ang insidente bandang alas-6:45 ng umaga.

Aniya, patungo umano sa Urdaneta City ang 55-anyos na driver ng motorsiklo, na may asawa at isang construction worker, kasama ang kanyang 54-anyos na kapatid bilang back rider.

Kapwa residente ng Barangay Longos, San Fabian, Pangasinan, ang magkapatid.

Parehong nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang driver at ang kanyang back rider.

Agad naman silang isinugod ng mga tauhan ng Sta. Barbara MDRRMO sa Region 1 Medical Center sa Dagupan City para sa kaukulang pagsusuri at gamutan.

Gayunman, idineklarang dead on arrival ng attending physician ang 55-anyos na driver.

Ayon pa kay Datuin, walang umanong nakitang paglabag sa batas ang driver, nag-negative ito sa isinagawang drug at alcohol test, at nakasuot din ng kaukulang safety gear nang mangyari ang aksidente.

Dagdag pa ni Datuin, nakipag-ugnayan na rin ang pamilya ng biktima sa may-ari ng kainan kung saan nangyari ang aksidente, at nangako umanong sasagutin ang mga danyos kaugnay ng mga nasirang ari-arian.

Samantala, patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente upang matukoy ang eksaktong sanhi ng aksidente. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments