Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Army Captain Rigor Pamittan, pinuno ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5ID, PA, nakikita at ramdam na aniya ng pamunuan ng 5ID ang nalalapit na katapusan ng mga rebeldeng NPA sa Lambak ng Cagayan lalo na ang East at West front sa Lalawigan ng Cagayan.
Posible rin aniya na hindi na magagawang makapag diwang ng kanilang anibersaryo sa March 29, 2022.
Base sa assessment ng 5ID, nasa low morale na ang mga nalalabi pang NPA sa rehiyon dos maging sa buong bansa dahil na rin sa patuloy na accomplishments ng pamahalaan laban sa mga makakaliwang pangkat tulad na lamang ng pagkakubkob ng militar sa mga kuta ng rebelde, pagkakarekober sa kanilang mga pagkain at gamit pandigma at pagsuko’t pagkamatay ng kanilang matataas na lider.
Dahil dito, sinabi ni Cpt. Pamittan na nawawala na sa landas ang mga natitirang NPA lalo at mulat na sa katotohanan ang taong bayan sa ginagawang panlilinlang ng mga teroristang pangkat.
Idagdag pa aniya rito ang pagdedeklara ng buong Lambak ng Cagayan ng persona-non-grata laban sa CPP-NPA-NDF na nagpapakita lamang na ayaw na ng taumbayan sa presensya ng mga terorista.
Sa tulong naman ng pakikiisa at pakikipagtulungan ng buong mamamayan at ng mga dating rebelde, ay hindi na bibigyan ng pagkakataon ang mga natitira pang NPA na makapaghasik ng karahasan at kaguluhan sa mga lugar na nasasakupan ng 5ID.