Para kay AKO BICOL Party-list Rep. Elizaldy Co isang malaking hamon ngayon sa housing sector ay kung paano tutugunan ng gobyerno ang 6.6-million housing backlog.
Sinabi ito ni Co sa pagbusisi ng pinamumunuan niyang House Committee on Appropriations sa panukalang P5.4-billion na 2024 budget para sa Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at attached agencies nito.
Bunsod nito ay nagbigay ng ilang mungkahi si Co bilang solusyon tulad ng pagpapatupad ng programa para sa murang pabahay at paglalatag ng bagong sistema ng pagpapautang sa tulong ng lokal na pamahalaan, mga financial institutions at developers.
Binanggit din ni Co, ang paglagda ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong July 17, 2023 sa Executive Order 34 na nag-aatas sa lahat ng ahensya ng pamahalaan na magsumite ng inventory ng mga lupain sa bansa na maaring gamitin sa implementasyon ng Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program.
Sa budget hearing ay umapela naman si DHSUD Secretary Jose Rizalino Acuzar sa kongreso ng lubos na tulong para matiyak na mabibigyan ng sapat ng pondo ang housing and urban development sector.
Sa ilalim ng proposed 2024 budget ay P1.25-billion ang interest subsidy na nakalaan para sa 4PH program na ayon kay Acuzar ay makakatulong ng malaki para makamit ang target ng Marcos administration na makapagtayo ng isang milyong pabahay kada taon sa loob ng anim na taon.