Nasawi ang isang babaeng anim na buwan nang buntis matapos atakihin ng grupo ng mga aso sa gubat sa France.
Nangyari ang insidente nang ipasyal ni Elisa Pilarski, 29, ang kanyang alagang aso noong Sabado sa Forest of Rest, 50 milya mula sa Paris, ayon sa ulat ng L’union, Nob. 19.
Nagawa pa umanong makatawag ng biktima sa kanyang asawa tungkol sa namataang nakababahalang mga aso.
Nagtungo sa gubat ang mister ni Pilarski, ngunit wala ng buhay ang biktima na nagtamo ng mga kagat mula ulo hanggang binti.
Ayon sa resulta ng autopsy nitong Lunes, ikinasawi ni Pilarski ang labis na pagdurugo mula sa mga kagat ng iba’t-ibang aso.
Lumabas din na patuloy ang paglapa ng mga hayop kahit na patay na ang biktima.
Iniimbestigahan na ng pulisya kung ang dumali sa biktima ay kabilang sa mga sinasanay para mangaso.
Mayroong tinatayang 30,000 “hunting dogs” sa France na sinasanay mangaso ng partikular na hayop at sumunod sa tao.