6-ft buhok ng isang lalaki, 40 taon nang hindi hinugasan dahil ‘biyaya’ raw ang dreadlocks

Sakal Dev Tuddu photos courtesy of Barcroft

Malagkit at nakapandidiri kung minsan ang buhok na ilang araw nang hindi nahuhugasan.

Pero kakaiba ang isang lalaki mula sa India dahil 40 taon niya na raw hindi binabasa ang umabot na sa anim na talampakan niyang dreadlocks.

Naniniwala si Sakal Dev Tuddu, 63-anyos, na isang biyaya mula sa Diyos ang kaniyang buhok kaya hindi niya ito pinuputulan.


Ipinapatong ni Tuddu sa kaniyang ulo na parang turban ang makapal na buhok na aniya, kusa raw nag-“jatta’ o dreadlock.

Sinabi raw sa kaniya ng Diyos na huwag putulan ang buhok at itigil na ang pag-inom ng alak at paninigarilyo.

Para naman daw mapanatiling malinis ang buhok, tinatalian niya ito ng puting tela tuwing lalabas para hindi bumagsak at makaladkad sa daan.

Tinatawag siya ng mga kapitbahay sas Munger district, Bihar state na “Mahatma Ji” bilang respeto.

Kilala rin siya bilang manggagamot na gumagawa ng lunas para sa mga mag-asawang walang anak.

Pinupuntahan din si Tuddu ng ibang tao para magpa-picture kasama siya.

Si Tuddu ay may asawa, anim na anak at pitong mga apo.

Wala naman daw problema ang kaniyang asawa sa mahaba at makapal niyang buhok.

Samantala, ang record naman ng “world’s longest dreadlocks” ay hawak ni Asha Mandela mula sa Florida na ang buhok ay may habang 110 talampakan nang siya’y 50 taong gulang.

Facebook Comments