Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PCapt Alvin Tiu, Deputy Chief of Police ng San Pablo Police Station, mayroon silang natukoy na mga barangay sa kanilang nasasakupan na kinakailangan ng maigting na pagbabantay sa darating na eleksyon tulad ng mga barangay Dalena, Ballacayu, Limbauan, San Vicente, Simanu Sur, at Simanu Norte.
Ang mga nasabing barangay ay maituturing na mga liblib at mahina ang signal sa lugar.
Naaprubahan na rin ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) ang hiling ng PNP San Pablo na karagdagang pwersa ng pulis para magbantay sa mga natukoy na “hot spots” barangay sa darating na halalan.
May inilatag na rin na outpost ng PNP sa brgy. Dalena at Simanu na maaaring lapitan ng mga residente sa lugar kung sakaling may mga hinaing o sumbong para madali rin itong maaksyunan ng kapulisan.
Kaugnay nito, wala namang namomonitor ang kapulisan na presensya ng mga makakaliwang grupo na umaaligid sa mga naturang barangay.
Tiniyak naman ng PNP San Pablo na mababantayan ng maayos ang mga natukoy na hotspot barangay at maisagawa ng ligtas, maayos at mapayapa ang eleksyon 2022.