Cauayan City, Isabela- Sumuko sa pamahalaan ang anim (6) na miyembro ng New People’s Army (NPA) sa tulong ng kasundaluhan ng 95th Infantry ‘Salaknib’ Battalion at kapulisan sa bayan ng San Mariano, Isabela.
Nakilala ang mga nagbalik-loob sa gobyerno na sina Alyas Onyok, 25 taong gulang, Team Lider ng Squad Uno; Alyas Jun-jun, 30 taong gulang, Team Lider ng Squad Dos; Alyas Eugene, 55 taong gulang, Team Leader ng Squad Tres; Alias Merson, 30 taong gulang, Supply Officer; Alias Jeffrey, 24 taong gulang, regular na miyembro ng NPA; at isang Alias Badboy, 56 taong gulang, Militia ng Bayan, na pawang mga kasapi ng Regional Sentro De Gravidad (RSDG), Komiteng Rehiyon – Cagayan Valley (KR-CV).
Ipinasakamay din sa kasundaluhan ng mga sumukong rebelde ang kanilang bitbit na mga armas na kinabibilangan ng isang (1) M653 Rifle; isang (1) M14 rifle; dalawang (2) M16 rifles; isang (1) Caliber 38 na baril.
Isinuko rin ng anim na mga rebelde ang labindalawang (12) piraso ng Improvised Explosive Devices (IEDs); limang (5) magazines ng M14; 100 piraso ng 7.62 na bala at isang bandolier.
Ayon sa mga sumuko, bilang na lamang at humina na ang pwersa ng NPA na kabilang sa RSDG dahil sa mga naganap na engkuwentro na ikinamatay ng kanilang pinakamataas na lider na si Ka Yuni o Rosalio Canlubas sa totoong buhay at sa sunod-sunod na pagsuko ng mga dating rebelde.
Pinuri naman ni MGen Laurence E Mina, Commander ng 5th Infantry Division, Philippine Army ang mga tropa ng 95th IB sa pamumuno ni LTC Carlos Sangdaan at 502nd Infantry Brigade sa kanilang patuloy na pagsisikap upang matapos ang problema sa insurhensiya sa Lalawigan ng Isabela.