63-anyos, patay nang maiwan sa nasusunog na bahay

169

Kalansay na nang matagpuan ang 63-anyos lalaki matapos itong maiwan sa nasusunog niyang bahay sa Davao City.

Kinilala ang biktima na si Eduardo Teves, residente ng Purok 8, Sitio Quibaton, Brgy. Dominga, Calinan.


Base sa report ng awtoridad, huli na nang makita nila ang hindi na makilalang labi ng biktima sa loob ng kanilang bahay noong Lunes ng madaling araw.

Naiulat daw sa kanila ng kapatid ni Eduardo na si Jonathan na lasing ito nang ihatid ng mga anak sa kanyang bahay na sinasabing nag-iisa at walang kasama.

Kuwento nito, nagpaluto pa raw sa kanyang mga pamangkin ang biktima at kumain pa ng hapunan bago mangyari ang trahedya.

Ayon naman sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, ang pinaglutuang kahoy ang maaaring pinagmulan ng sunog na mabilis umanong kumalat dahil gawa sa light materials ang natupok na bahay.

Samantala, patuloy pa rin ang pag-iimbestiga ng Bureau of Fire Protection sa nangyari.

Facebook Comments