Kinumpirma mismo ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Archie Francisco Gamboa na ikinokonsidera na ngayong Patient Under Monitoring (PUM) ang 615 mga pulis at Patient Under Investigation (PUI) ang 45 mga pulis dahil sa Coronavirus Disease (COVID-19).
Aniya, kabilang sa PUI ay isang Police Colonel at isang Patrolman na ngayon ay mahigpit na minomonitor ang kondisyon.
Sinabi ni Gamboa malaki ang posibilidad na mahawa sa COVID-19 ang mga Police Officer na nakatalaga sa Luzon dahil sa patuloy na pagtupad sa kanilang tungkulin habang ipinatutupad na Enhance Community Quarantine (ECQ) para mapigilan ang pagkalat ng virus.
Kaya naman mahigpit ang bilin ni Gamboa sa lahat ng mga na nakadeploy sa mga checkpoints at mga border ng Luzon na magsuot ng Personal Protective Equipment kontra COVID-19.
Kaugnay nito nagpapatupad na ngayon ang PNP ng biosafety plan sa lahat ng mga kampo ng PNP sa buong bansa para maiwasan ang pagkahawa hawa ng virus sa mga pulis.
Isasailalim muna aniya sa decontamination procedure ang mga pulis na galing sa mga checkpoints at border at babalik ng kampo para makasigurong walang hawa hawa na mangyayari.
Tiniyak ni Gamboa sa kanyang mga tauhan na ginagawa nya ang lahat para maibigay sa mga pulis ang kanilang pangangailangan habang tinutupad ang kanilang tungkulin.
Panawagan rin ni Gamboa sa publiko na ipagdasal ang mga frontliners katulad ng mga pulis at magdasal rin na malalampasan ng mga Pilipino ang krisis na ito.