Sta Teresita, Cagayan – Nasa kasagsagan ngayon ng paghahanda ang pamunuan ng Sta Teresita LGU para sa kanilang 6th National Ecotourism Festival (NEF).
Sa ipinatawag na pulong balitaan, humarap ang alkalde ng bayan na si Mayor Lolita Garcia at mga taga LGU Sta Teresita sa media at kanilang tinalakay ang papalapit nilang Ecotourism Festival na binansagang 3rd Namunit Festival.
Ang Namunit ay hango sa dating pangalan ng bayan ng Sta Teresita noong isang barangay pa lamang ito ng Buguey, Cagayan.
At sa pagkakapangalan ng National Ecotourism Festival(NEF) sa Namunit Festival ay ibat-ibang bagay na ang kanilang itinatampok lalo na ang kanilang cone karst formation na kahawig ng chocolate hills sa Bohol na may mga subterranean cave systems sa ilalim nito na posibleng nagtataglay ng kakaibang biodiversity.
Ito ay matapos madiskubreng mga bagong uri ng fauna na isinasailalim ngayon sa pag-aaral at dokumentasyon.
Kasali din dito ang namataang White Shouldered Sterling na noong Setyembre 20, 1911 pa nakadokumento ang huling pagkakakita nito sa Europa na nakita sa katabi nitong Bangalao Lake.
Dahil sa maraming nakakamanghang nadidiskubre sa naturang bayan lalo na sa mga cone karst formations at ng subterranean waters ay ang mga ito na ang mga pangunahin nilang itinutulak bilang tourism potential asset tatlong taon na ang nakakaraan mula nang pinangalanang Namunit festival ang kanilang NEF.
Sinabi pa ng alkalde na kada taon ay mayroon silang itinatampok na atraksiyon sa Namunit Festival na kung saan ay kabilang dito ang kanilang mga nagkakagandahang 54 na mga kuweba sa ilalim ng Namunit Hills.
Isa pa sa mga itinampok nang mga bagay sa Namunit Festival ay ang kanilang Bangalao Lake na kung saan ay may nadokumentong 27 migratory bird species na namamalagi dito na napakaganda ring destinasyon ng mga bird watchers.
Itinampok din ang Bakong na isang uri ng halaman na maraming puedeng paggamitan gaya ng paggawa ng mamahaling tela, bag at lubid mula sa himaymay nito.
Ang 3rd Namunit Festival ay magaganap sa bayan ng Sta Teresita sa Marso 7-11, 2018.