SUPHUN BURI, Thailand – Inaresto ang pitong kalalakihan matapos magsumbong ang isang 12-anyos na babae tungkol sa panghahalay umano ng mga ito sa kanya araw-araw sa loob ng dalawang taon.
Ikinagulat ng pulisya ang paglapit ng biktima para lakas-loob na isumbong ang krimeng ginawa ng mga suspek mula pa noong 10-anyos pa lamang daw siya.
Ayon sa bata, tinatakot umano siya ng mga ito na sasaktan sakaling magsumbong sa kinauukulan.
Ngunit kamakailan ay napansin daw ng kanyang tiyahin ang kakaibang ikinikilos ng bata na madalas daw nakatulala na tila may malalim na iniisip.
Kapag tatanungin daw niya ito kung ano ang problema, bigla na lang daw nitong sasaktan ang kanyang sarili.
Agad inaresto ang pitong suspek ng panggagahasa at ang dalawa sa mga ito na naiulat na menor de edad ay idinala naman sa social workers hangga’t hinihintay ang pagdulog sa korte.
Sa salaysay ni Police colonel Manoj Jitpakdde, ikinuwento raw ng bata na iba-ibang lalaki umano ang nang-aabuso sa kanya kada araw sa loob ng dalawang taon.
Nang marinig ang kanyang salaysay ay idinala ito sa ospital para ipakausap sa isang specialist social worker.
Batay naman sa inilabas na medical result ng ospital, kumpirmadong ginahasa nga ang biktima.
Kaugnay nito, mariin namang itinatanggi ng mga suspek ang krimen at sinabing may sira sa pag-iisip ang paslit.
Ngunit ayon sa pahayag ng social workers, walang sakit o kahit anong mental illness ang biktima.
Dahil dito ay magpapatuloy ang pag-uusig sa mga suspek sa korte.
Samantala, labis naman ang sakit na naidulot ng nangyari sa kapatid ng biktima.
Ayon dito, matagal na raw inabandona ng kanyang mga magulang ang bata kaya kasalukuyan umano itong naninirahan sa kanilang mga kaanak.
Matinding galit ang kanyang nararamdaman at hindi umano titigil hangga’t hindi naparurusahan ang mga suspek.